Wednesday, August 25, 2010
Karen delos Reyes lives up to title "Taray Queen" on Survivor Philippines!
Bagay na bagay kay Karen delos Reyes ang titulo na ibinigay sa kanya sa Survivor Philippines: Celebrity Showdown—"Taray Queen." Balita kasing si Karen ang pinaka-outspoken among the celebrity castaways ng naturang reality show ng GMA-7.
Pero para kay Karen, hindi naman pagtataray ang ginawa niya sa isla kundi masyado lang daw siyang prangka. Gusto niyang manggaling sa kanya mismo ang gusto niyang iparating sa sinumang celebrity castaway na kasama nila.
"Kilala n'yo naman ako, di ba?" sabi niya sa PEP (Philippine Entertainment Portal). "Hindi ako yung magsusumbong sa kahit sino at sila ang magsasalita for me. Hindi ako yun, e. Kung may ayaw ako sa mga nakikita ko, kaagad kong sinasabi. Bakit ko pa idadaan sa ibang tao, di ba?
"Sa iba kasi, kapag outspoken ka or prangka ka, akala nila mataray ka na. Lumakas lang ang boses mo, nagtataray ka na. Hindi naman gano'n. Hindi naman ako magsasalita kung wala namang kuwenta, di ba? E, di nag-aksaya lang ako ng energy ko. Gutom kaya kami sa isla?
"Ang sa akin lang, heto ako, heto ang problema natin, let's deal with it. Hindi pagtataray 'yon. Pagiging totoo lang 'yon sa sarili ko," paliwanag ni Karen during the grand launch of Survivor Philippines: Celebrity Showdown last Monday, August 23.
"TARAY QUEEN." Pero feel naman daw ni Karen ang "Taray Queen" na title niya.
"Kung yun ba ang gusto nilang itawag sa akin, di ba? Wala naman akong magagawa. Thank you sa kanila," ngiti niya.
"Yung Taray Queen title naman," patuloy ni Karen, "hindi mo dapat isipin na negative 'yan. May positive ka rin namang puwedeng ikabit sa title na 'yan. Ako, I don't mind kung yun ang tawag nila sa akin. Pinaninindigan ko na lang. Kasi kahit ano pang pagpapa-sweet ang gawin ko, hindi raw bagay sa akin. Kaya sige, tawagin na nila akong Taray Queen. At least, may queen, di ba?"
Aminado si Karen na may mga hindi siya nakasundong castaways sa isla at talagang lumabas ang pagiging matapang niya sa lahat ng mga pagsubok nila.
"Kaplastikan naman kung sabihin kong lahat naging chika ko," sabi niya. "Hindi naman ako Miss Congeniality ng isla. Meron at meron talaga akong mga hindi nakasundo, kasi nga, nandoon kami sa isla para maranasan ang hirap ng pagiging survivor. Hindi kami nandoon para magbakasyon or i-enjoy ang paligid. Hello, hindi ito excursion or company outing! Wala kami sa isang resort sa Boracay para tumanga ka at maghintay ng biyaya. Lahat kailangan kumilos para mabuhay. Kaya nga Survivor ang show, di ba?"
Sino ang mga nakabangga niya among the castaways?
"Abangan n'yo na lang kung sino-sino ang mga hindi alam ang ibig sabibin ng word na survivor!" natatawang sabi ni Karen. "For sure, ang mga televiewers, magagawang magtaray sa mga pangyayari at ang mga kumikilos nang hindi tama sa isla."
SOUL SEARCHING. Bago dumating ang Survivor Philippines ay binalak ni Karen na mangibang bansa na lang. Pagkatapos kasi ng huli niyang show sa GMA-7 na The Last Prince, lumipad daw siya sa Hong Kong para sa kanyang usual "soul searching." Gusto raw alamin ni Karen kung ano pa ang dapat niyang gawin sa kanyang buhay.
"Mag-isa lang ako talaga na bumibiyahe," sabi niya. "Para mas nakakapag-concentrate ako nang tama. May ibang mga plano na ako dapat. May plans na ako to work abroad, pero hindi pa ako sure talaga sa desisyon ko.
"Kaya salamat sa pagyo-yoga ko, nakakapag-isip ako nang tama. Talagang super nag-meditate ako at nagdasal ako kung ano ba ang magiging tamang desisyon. Kung may gagawin pa ako sa Pilipinas, sana sa pagbalik ko ay nandiyan na siya. Kung wala, doon na ako mag-decide talaga na mag-iba na ng career.
"Tamang-tama, pagbalik ko ng Pilipinas, nasa airport pa lang ako, biglang may tumawag sa akin. Kung gusto ko raw sumali sa Survivor Philippines. Ang sabi ko agad, 'yes!' Kasi sign na 'yon na may purpose pa ang pagbabalik ko to continue my career.
"Natuwa ako kasi iba ang dating ng Survivor. Napapanood ko ang U.S. versions at yung dalawang Survivor seasons natin, pinanood ko 'yon. Kaya somehow, alam ko na kakayanin ko ang challenges. Naniniwala ako na kaya ko. Sabi nga nila, 'no guts, no glory'. Kaya sakripisyo lang ito."
LESSONS LEARNED. Sa naranasan nilang mga hirap sa isla, malaki ang natutunan ni Karen sa buhay. At very thankful siya sa kung anong meron siya ngayon.
"Grabe talaga!" bulalas niya. "Nabukas ang mga mata ko sa katotohanan ng buhay. Tayo nga, ang suwerte natin kasi we have all these material things. May pera tayo, may nauutusan tayo at yung comforts meron tayo. Pero paano na yung iba na wala talaga? Yun ang naranasan namin sa isla. Kaya mo bang matulog ng eight straight nights sa ulan? Wala kang masilungan na maayos at basa ka nang matulog, basa ka pang magigising.
"Wala kaming matinong pagkain. Kung ano na lang ang nandiyan, yun ang pagtitiyagaan namin. Yung isla pa naman, walang mga punong may prutas, walang root crops at hindi ka makapangisda dahil maraming ahas at maraming jellyfish at stingrays. Nakakatakot kaya hindi talaga ito bakasyon. Patatagan na lang ng sikmura ito!"
Patuloy niya, "Kaya ako, ang laki na ng respeto ko sa mga taong araw-araw ay gumagawa ng paraan para makahanap lang ng pagkain at masilungan sa gabi. Sila ang mga tunay na survivors.
"Kami, ilang araw lang kaming gano'n at nagrereklamo na kami. What more ang ibang tao na kinagisnan na nila ang gano'ng buhay? Kaya malaki ang pagbabago sa paningin ko sa buhay ngayon."
Kaya nga panay ang pasalamat na ni Karen sa lahat ng mga natatanggap niya—maliit man ito o malaki.
"Lahat talaga thankful ako. Wala akong hindi bibigyan ng importansiya dahil bigay ito ni Lord. Hindi mo kasi mare-realize na importante ang isang bagay hanggang sa mawala ito sa iyo. Kasama na doon ang mga taong mahal mo, like your family, your friends, at ang ibang tao na hindi ko alam na mahal ka pala," pahayag ni Karen.
Source: Ruel J. Mendoza, PEP.ph
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment